Tuesday, May 6, 2008

Suplay ng bigas, di masasaid ni Shane Frias Velasco


PAOMBONG- Parang krudo ng sasakyan na hindi dapat masasaid ang suplay ng bigas ng National Food Authority (NFA).
Sa panayam ng PUNLA (Pulso ng Madla) kay Eduardo Camua, Information Officer ng NFA, kung bakit humantong sa pag-aangkat ng bigas ang Pilipinas samantalang sobra-sobra pa ang lokal na suplay ng bigas sa bansa, ipinaliwanag niya na may buffer stock requirement ang NFA na kinakailangang hindi mauubos o hindi mawawalan ng suplay ang bansa.
“Ang trabaho kasi ng NFA ay bumili ng palay sa mga magsasaka, kaso dahil sa baba ng halaga ng palay na P12-17 lamang kada kilo, hindi sa amin ibinebenta kundi sa mga private traders o mga negosyante,” ani Camua.
Nagresulta ito sa halos wala nang nagbebentang magsasaka ng palay sa NFA kung kaya’t napipilitan ang ahensiya na umangkat upang masigurado ang kasapatan ng suplay nito.Umaabot sa dalawang milyong tonelada ang inangkat ng Pilipinas ngayon lamang 2008 mula sa Vietnam, Thailand at Amerika. Mainit ngayon ang usapin sa diumano’y kakulangan ng suplay ng bigas ng bansa, kaya naman ang pagtitinda ng NFA ng mga murang bigas sa palengke ay dinudumog na “parang mga sinehan na box office hit”.
Para naman kay Princess Talavera, anak ng may sakahan sa Baliwag: Sa totoo lang wala namang rice shortage, masyadong sinasakyan lang ng ibang midya at ibang pulitiko. Paanong magkukulang, kaaani lang namin ngayon at mula’t mula pa ay hindi naman nagbabago ang lakas ng ani dito sa Baliwag.
“Ang problema nga lang, kaya nagmamahal ang bigas, itinatago ng mga private traders, kaya ang nangyayari, alam naman natin ang law of supply and demand, kapag kaunti ang suplay, tumataas ang presyo,” dagdag pa niya habang kinakapanayam ng PUNLA sa gitna ng kanilang bukirin.
Ang Baliwag ay isa sa may pinakamalaking bukirin na pinapatubigan sa pamamagitan ng irigasyong nagmumula sa Bustos Dam.
Nabatid naman ng PUNLA kay Camua na matapos ang panayam sa kanya ay dederecho ang grupo ng NFA upang inspeksiyunin ang mga nahuling “alleged hoarders” ng mga kawani ng National Bureau of Investigation (NBI).
“Mas nagbabantay kami ngayon at ang NBI sang-ayon sa direktiba ni Pangulong Gloria na hands-on campaign against hoarders,” aniya.
Kaugnay nito, base sa tala ng International Rice Research Institute (IRRI), bagama’t sapat sa suplay ng bigas ang Pilipinas at umaangkat pa rin ito, mas malaki pa rin ang nakokonsumo ng mga Pilipino mula sa lokal na suplay. Noong 2007, 17 milyong tonelada ang kabuuang ani ng bigas ng bansa. Bukod pa ito sa dalawang aanihin pa para sa taong 2008. Iniulat din ng IRRI na kaya nag-aangkat ang bansa ay dahil sa paniniguro ng NFA sa kanilang buffer stock. Ibig sabihin, kung ibebenta ng mga magsasaka sa NFA ang kanilang palay, malamang na hindi na umangkat pa ng bigas ang bansa.
Samantala, nilinaw naman ng Department of Agriculture (DA), sa paliwanag ni Jun Espiritu, information officer ng DA-Region 3, na ngayon lamang umulit nang ganito kalaki ang importasyon ng bigas.
Mula nang maupo ang Pangulong Gloria Macapagal Arroyo noong 2001, pinagtutuunan na ng pamahalaan ang Food Security sa pamamagitan ng pagpapakilala ng Hybrid Rice.
“Ang problema noon, mababa ang ani ng ating magsasaka, maliit ang kita sa kanayunan, kulang sa kaalaman sa makabagong teknolohiya, kaya ang naging aksiyon diyan, naglalaan ng P20 bilyon taun-taon para sa agrikultura, P35 bilyon na ngayon, pagpapautang ng walang kolateral at itinaas ang local procurement ng palay hanggang anim na bilyon,” paliwanag ni Espiritu.
Nagresulta ito sa pag-ani ng 220 kaban kada ektarya ang ani sa dating 80 kabang lamang, tumaas din ang kita ng mga magsasaka nang di bababa sa P25,000 kada ektarya. Dito rin aniya nangalahati ang importasyon mula isang milyong tonelada noong 2001, sa 500,000 tonelada mula 2002-2004.
Binigyang diin ni Espiritu na bumalik lamang sa isang milyong tonelada ang importasyon dahil nasalanta ng magkakasunod na bagyo ang mga pananim mula 2004-2006. Nakadagdag pa aniya ang tagtuyot noog 2007 bunga ng pandaigdigang suliranin sa climate change.
“Hindi ibig sabihin na kapag nag-import kulang sa suplay o wala na, napakalaki ng ating stock surplus, ang pinagtutuunan natin ngayon ay ang stabilization ng presyo dahil ang mahal, bunga ito ng dikta ng world price dahil sumasabay ang Pilipinas bilang kasamang bansa sa WTO o World Trade Organization” dagdag pa ni Espiritu.

No comments: