Tuesday, May 6, 2008

Enjoy talaga Ni Mylene A. Padua


Sa tinagal-tagal ko ba namang nasa eskwelahan, marami na akong napuntahan at nadaluhang seminar. Sa bawat seminar na yon halos pare-pareho lang naman ang nangyayari, yun nga lang iba-iba ang topic na tinatalakay. Ilang oras kang makikinig sa mga nagsasalitang speakers pagkatapos ay kakain at magkakaroon ng open forum kung saan libre kang magtanong ng kahit na ano basta’t tungkol sa pinag-uusapan. Siyempre, depende sa nagsasalita, minsan din ay napipikit ako pero madalas naman ay may natututunan ako sa mga dinaluhan ko ng seminar.
Madali lang naman akong pasayahin at makuntento basta ba nakakatuwa ang speaker, okey na yun! Gusto ko yun bang nakikipagkwentuhan lang siya pero alam mong may sense ang mga sinasabi niya. Ayoko nang masyadong pormal, yun bang pati pag-upo mo kailangan pang maayos. Okey rin sa akin kung may mga gawain o group activity para naman makilala mo ang mga kasama mo sa seminar at di masayang ang laway mo sa pagdalo don. Masaya rin kung may mga palaro at papremyo..hehe. Ilan lamang siguro ang mga nabanggit kung bakit gustong-gusto kong dumadalo sa mga seminar.
Nagiging masaya ko kapag nakadadalo ako sa mga seminar o forum pero di ko akalaing mas masaya pala kung kasama ka sa mga taong nagbuo, nagkonsepto at nagsakatuparan ng isang seminar.
Minsan na akong nakasama sa pag-oorganisa ng isang seminar noong kolehiyo. Sa BulSU lang iyon ginawa at pawang mga mag-aaral na nasa publikasyon din ang dumalo. Ilang linggo rin naming inihanda ang mga kakailanganin at pagkatapos ng mismong araw ng seminar, ang bayad sa amin isang masarap na pagkain sa sizzling. Nakakapagod talaga pero ang saya naman sa pakiramdam.
Marami kaming kumilos sa unang seminar na yon na kasama akong nag-organisa. Naulit iyon dito nga sa ikatatlong PUNLAan sa Tag-araw. Ang daming dapat gawin at ayusin. Dinaanan namin ang lahat maiorganisa lamang ang naturang seminar simula sa paghahanap ng sponsors hanggang sa pag-follow-up at maging sa paggawa ng mga kakailanganing gamit tulad ng journalism kit, certificates at iba pa.
Ang nakakatuwa pa kung kailan kinabukasan na ang seminar at saka namin nalaman na hindi makakarating ang inanyayahan naming mga speakers. Pero siyempre, nagawan naman yun ng paraan. Kulang talaga kami sa preparasyon gawa na rin ng maraming gawain sa opisina at pagiging abala sa mga personal na gawain. Pagkatapos ng dalawang araw na seminar na iyon, doon ko pa lang nakita ang malinaw na larawan ng ganda ng inorganisa naming seminar. Sa pasasalamat ng mga dumalo, doon ko narealize na marami pala ang natuwa at natuto sa seminar na yon sa pamamahayag.
Nakakataba kaya ng puso kapag isa ka sa mga pinasasalamatan. Kahit nga ang simpleng pagngiti ng mga lumahok paglabas nila ng pinto ay malaking bagay na para sa akin.

No comments: