Tuesday, May 6, 2008

Ibalik ang "Bahay-Kubo" by Jose Mari Garcia

CALUMPIT– Mapapagaan ang epekto ng krisis sa bigas kung ibabalik sa kabukiran ang konsepto ng “bahay-kubo.”
Ito ang mungkahi ni Jun Espiritu ng Department of Agriculture (DA) nang maging tagapagsalita siya sa ikalawang yugto ng Civic Journalism Seminar kamakailan. Kung ang palay aniya na hindi naman kasama sa kinatandaang kanta na Bahay-kubo ay patuloy na gumagawa ng problema sa hapag-kainan, baka naman pwedeng sa 17 gulay ng kanta na tayo humingi ng saklolo.
Nararapat aniyang bigyang pansin ang high value commercial crops o HVCC lalo na sa panahong ito na mainit ang usapin sa bigas.
Ayon kay Jun Espiritu, information officer ng Department of Agriculture III, isang malaking bagay ang magkaroon ng sariling tanim na gulay sa bakuran o likod-bahay upang hindi sa bigas lang nakaasa ang pang-araw-araw na konsumo natin.
“Maraming nagkokonsyum, wala namang nagpoprodyus. Sana kalahati ng kinakain natin, tayo ang nagpoprodyus,” ani Espiritu.
Matatandaan na umabot na sa kulang-kulang P40/kl ang halaga ng komersyal na bigas, na nagdulot ng papaunting suplay ng pinipilahang bigas ng National Food Authority (NFA).
Ayon rin sa tala ng NFA, 250 gramo ng bigas araw-araw ang kinokonsumo ng isang Bulakenyo, katumbas ng 15,000 kaban ng bigas na inuubos ng 3,000,000 Bulakenyo bawat araw.
Kung kaya’t ipinanukala ng Kagawaran ng Agrikultura ang pagtatanim ng HVCC o ang ani Espiritu’y “pinakbet crops” tulad ng talong, okra, amplaya at kalabasa.
Sinang-ayunan naman ang nasabing pagtatanim ng gulay ni Regino “Tso Inoy” Manay, 62, 10 taon nang naggugulay sa Brgy. Pungo, Calumpit.
“Kahit hindi pa sabihin, dapat talagang gawin yan (pagtatanim ng gulay),” ani Tso Inoy sa PUNLA (Pulso ng Madla).
Aniya, hindi malakas sa tubig ang mga gulay di tulad ng palay at “dalawang buwan lang, nakakaani na ko.”
Sa sangkapat na ektarya, nagtatanim si Tso Inoy ng sitaw, kalabasa, patola, sigarilyas at petsay.
Hindi lang pansariling konsumo ng kanyang pamilya ang naani niya, maging pangbentahan rin.
Sa loob lamang ng isa’t kalahati hanggang dalawang buwan, umaani si Tso Inoy ng 300 tali ng sitaw, 12 piraso ng sitaw kada tali, na nagkakahalaga ng P3,000 lahat.
Ang kanya namang kalabasa ay naibebenta nang P30 kada piraso, o umaabot sa P300 kada ani.
Nakalaan naman sa hapag-kainan ng pamilya ni Tso Inoy ang 100 patola, at maging ang sigarilyas, na kanyang naaani, na magkakamal din ng P3,000 kung ibebenta.
Dagdag pa ni Tso Inoy, na apat na taon ring nagsaka, “sa baku-bakuran pwede rin magtanim. Pangkain lang”.
Ayon sa kanya, sa P50 na buto ng kamatis, kalahating ektarya na ang matataniman, kung kaya’t “sa P10 lang, marami na”; at P50 din para sa buto ng sitaw na sakop na ang normal na bakuran.
Ang pagtatanim ng HVCC ay isa sa apat na pangunahing palatuntunan ng DA, na itinampok sa agricultural newsletter ng rehiyon III, ang ULAT Gitnang Luzon.
Nakapaloob sa programa ang pagpapataas ng produksyon ng HVCC tulad ng mangga, kape at mga gulay; makabagong teknolohiya sa preserbasyon ng mga produkto; at mga subsidy o ayuda para sa pamamahagi ng mga kalidad na binhi, para sa pataba at pestisidyo, at ayuda para sa pagpapaunlad ng pamilihan ng HVCC.
“Nakatuon ang paningin ng programa ng HVCC sa mga produktong ito (mangga, kape at mga gulay) sapagkat may tsansa ang mga produktong ito na makipagkumpitensya sa pamilihang pandaigdig,” sabi sa ULAT Gitnang Luzon.
Ikinagalak naman ni Tso Inoy ang programa at umaasang mabibiyayaan siya ng mga binhi.

No comments: